BIGUIN ANG CHA-CHA, PATALSIKIN SI GLORIA!

3:47 AM

Maliwanag na hindi titigilan ng administrasyong Gloria Macapagal-Arroyo ang Charter Change (Cha-cha). Sa pangunguna ni Speaker Prospero Nograles, iniratsada ng mga kongresistang alyado ng administrasyon ang House Resolution (HR) 1109. Babaguhin ng HR 1109 ang Konstitusyon sa pamamaraang constituent assembly (con-ass), na bubuuin naman ng mga kongresista at senador. Sa con-ass ng administrasyon, boboto nang magkasama, sa halip nang magkahiwalay, ang mga kasapi ng House of Representatives (HoR) at Senado. Sa ganitong paraan, tiyak na madodomina ng higit na maraming kongresista – na mayorya ay alyado ni Gng. Arroyo – ang pagtatakda ng mga babaguhing probisyon ng Konstitusyon.

ANO ANG LAYUNIN NG CHA-CHA? Pangunahing hangad nito na mapanatili sa pwesto si Gloria. Gagawin ito sa pamamagitan ng pagbabago sa porma ng gobyerno. Matagal nang bistado ng publiko ang maitim na balak na ito ng administrasyon. Kapag natuloy ang con-ass, lahat ng probisyon sa Konstitusyon ay maaaring baguhin, bukod sa porma ng gobyerno, pwede ring galawin ang termino ng mga halal na opisyal.
Lubhang desperado ang administrasyon na makapanatili sa poder. Gamit ang kanilang bilang at pera, nairatsada nila ang Con-Ass. Pipilitin nilang baguhin ang Konstitusyon kahit tutol ang mamamayan at tutol ang Senado.


Pero hindi tayo papayag na magtagal pa sa pwesto si Gloria. Sawang-sawa na ang taumbayan sa halos 9 na taon ng bulok at tiwaling pamamahala, na ngayon ay tila gusto pang lampasan ang paghahari ng diktadurang Marcos. Halos walo sa bawat sampung Pinoy ang nagsasabing inutil ang gobyerno sa pagsugpo sa korupsyon. Habang tuloy ang nakawan sa pamahalaan, lumalala naman ang kahirapan. Lumaki ang bilang ng walang trabaho ng 170,000 sa pagsisimula ng taon. Samantala, tuluy-tuloy ang paglabag sa karapatang pantao kabilang ang pagdukot, pagtortyur at pamamaslang.


PAPAYAG BA TAYONG TUMAGAL PA SA PODER ANG GANITONG PAMAHALAAN?Kaya dapat buong-lakas na pigilan ng mamamayan ang tuluyang pag-arangkada ng Cha-cha ni Gloria upang manatili pa sa poder. Dapat ding singilin at panagutin ang taksil at ganid na mga kongresistang kasabwat ng Malacañang sa Cha-cha.
Cha-cha at Gloria, Ibasura!


SUMAMA SA PROTESTA, JUNE 10, 5PM SA PASEO COR AYALA SA MAKATI.

You Might Also Like

0 comments